Showing posts with label jesus nazareno. Show all posts
Showing posts with label jesus nazareno. Show all posts

Thursday, January 9, 2014

Pista ng Nazareno: Bilang Isang Deboto

Taun taon na lamang ay ipinagdiriwang natin ang Pista ng Nazareno. Alam naman nating lahat na ang paniniwala rito ng mga Pilipino ay 'di matatawaran. Marami ang naniniwala na ito ay nagpapagaling, gumagabay at nagbibigay pag-asa para sa lahat. Siguro nga'y isa siyang biyaya mula sa Maykapal.

Ako ay isang deboto ng Itim na Nazareno. Nagsimula ang panata ko nung ako'y bata pa lamang ng dahil sa aking mga magulang. Ayon sa kanila, ang Itim na Nazareno ang nagbigay sa akin ng pangalawang buhay nung ako ay dalawang taon pa lamang. Muntik na raw akong mawala sa kanila dahil sa sakit kong Asthma Bronchitis na nagpahirap daw sa akin ng ilang buwan. Mayroong nakapagsabi sa aking mga magulang na magsimba raw sila sa Quiapo ng siyam na Biyernes na magkakasunod. At iyon na nga, nawala ang sakit ko at ito na ang naging simula ng panata nila rito.

Isang katanungan lang ang nabuo sa isipan ko, bakit halos isakripisyo na ng mga tao ang buhay nila mahawakan at maipunas lamang ang kanilang puting panyo sa Itim na Nazareno?




Sa taun taon kong pagsama sa pista habang nagkakaisip ako, napagtanto ko na ibang klase ang Jesus Nazareno. Iba ang pakiramdam kapag nahawakan mo siya, parang nabuhay kang muli. Yung iyak at tuwa na nararamdaman ng mga taong napapanood mo sa telebisyon ay sadyang totoo. Ang kanilang sakripisyo tuwing prusisyon ay nagiging makubuluhan ng dahil sa kanilang pananampalataya sa Nazareno. Wala sa kanila ang mga pandadamba, pambabalya at pandadagan basta't makahawak sa lubid at maipunas ang kanilang puting panyo.

Bilang isang deboto, hindi ko kailangan kuwestyunin ang aking pananampalataya sa Nazareno. Malakas ang aking paniniwala at patuloy akong mamamanata sa Itim na Nazareno hanggang sa huling pahina ng buhay ko.