Tuesday, June 11, 2013

Araw ng Kalayaan, sa Bagong Henerasyon!

“Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay!”, iyan ang mga kataga na isinisigaw ng ating mga ninunong Pilipino nang tayo ay naging malaya sa kamay ng mga mananakop na dayuhan.


Sa panahon natin ngayon, naririnig pa nga ba natin ang mga iyan sa ating mga kababayan? Taas noo pa rin ba tayong nakatingala sa ating watawat na sagisag ng paggalang natin sa ating Inang Bayan? O tayo’y kibit balikat na nga lang ba kapag sumasapit ang Araw ng Kalayaan?


Hunyo 12, 1898, Kawit, Cavite- Idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Espanyol. Ang pagdedeklara ng ating Kalayaan ay sa pagitan ng ika-apat at ika-lima ng hapon sa nasabing araw sa tahanan ni Heneral Aguinaldo. Alinsabay nito ang pagtaas ng Pambansang Watawat ng Pilipinas na itinahi nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo, at Delfina Herboza sa Hong Kong.


Itinanghal din sa unang pagkakataon ang ating Pambansang Awit na Marcha Filipina Magdalo na ngayon ay Lupang Hinirang sa panulat at komposisyon ni Julian Felipe. Itinanghal ito ng San Francisco de Malabon Marching Band.



Ang Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay inihanda, isinulat at binasa ni  Ambrosio Rianzares Bautista sa lenggwahe ng mga Espanyol. Ang Deklarasyon ay nilagdaan ng siyamnapu’t walong katao karamihan ay mga Amerikanong sundalo sa panahon na iyon.



Ang Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay napalaganap lamang noong Agosto 1, 1898 nang maging organisado na ang karamihan sa mga lungsod at probinsya sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo.


Photo from philippineamericanwar.webs.com


Photo from wowphilippines.com



Photo from fil.wikipilipinas.org



Sa ika-isandaan at labinlimang taon na paggunita ng Araw ng Kalayaan, tayong mga Pilipino ay sama-sama, taas noong ipagmalaki sa buong mundo ang katapangan, karunungan at kabayanihan ng mga magigiting nating mga bayani na ibinuwis ang kanilang buhay para sa kasarinlan ng ating bayan.


No comments:

Post a Comment